Powered By Blogger

Sabado, Enero 19, 2013

MALAPIT NA BA MAGUNAW ANG MUNDO?


Malapit na daw magunaw ang mundo. Siguro nga. Malapit na ang dulo ng akala nati’y walang hanggan. Malapit na ang tuldok ng napakahabang kathang binuo ng mga puso natin. Isang mundong hindi karapat-dapat tibagin subalit kailangan. Mundong binuo ng mga maliliit pa nating mundo. Parang isang malaking pusong binuo ng mga puso nating pinagtagpi-tagpi. Mahigit-kumulang 3 buwan na lamang. Pero tila ayoko pang bumitaw sa isang mahigpit na pagkakahawak. Alam ko ikaw din.
Naramdaman ko na naman na hindi ako nag-iisa. Ang simpleng gago na dati’y iyaking matabang bata ay nakahanap na ng masisilungan sa bawat panahong papatak ang ulan. Nakakita na ng panyong papahid sa bawat luhang iniiwasang pumatak at sa sipong hindi mapigil sa pagtulo. “Sa piling ng mga BALIW ngunit BALIW MAN ay may PUSO”
Ang sarap balikan ng mga panahong nasa unahan sina John Mark, at Nikko. Tuwang-tuwa ang bawat isang nanunuod sa patalbugan ng dalawa na tila hindi nakikita ang mga tao sa kanilang paligid. Sayaw.Kanta.Singit Yung Isa. Tawa yung iba. “HAHAHA” nakinig ko na naman ang tawa ni incez. Ang tawa na hindi pumalpak magpangiti sa akin sa tuwing nakikinig ko. Sa pagbaling ng ulo ay ang masayang kalokohan ng DRC ang tumambad sa akin. Bulung-bulungan. Chikahan. Hindi ko malaman kung anong iniisip nila pero pagnagbulungan sila at malapit ako, para bang pakiramdam ko ako yung pinaguusapan.
Nag-uli ako ng DOST 2. DOST na luma pero patuloy na nagiging bago at sariwa sa mga puso namin. Isang maliit na kwarto subalit isang malaking tahanan na pinatibay ng maraming haligi at pundasyon. Mukhang magigiba pero patuloy na nakatayo. Bricks, bato. Gawa daw diyan ang DOST pero sa loob ng bawat bato ay luhang pinatulo, pawis na ikinayat, ngiting ninamnam at tawang itinanim ng bawat isang taong nanahan sa lugar na ito.
Sa isang sulok ay ang tahimik na pagbabasa ng libro ni Ate Joyce at Brigette. Paglalaro sa cellphone nina Jazz at Adrian at pagrerebyu sa math ni Jueann. ABJ3. Parang lapis na binali ng kauntian ng panahon pero tinasahan at gumawa ng mas magandang samahan. Ngayong kumpleto at magkakasama na sila sa isang tahanan. Alam kong patuloy na mapapatulis ang lapis na susulat sa puso ng bawat isa sa kanila. Mapahi man ay may marka.
Binabanas ako. Lumalala na ang global warming. Magugunaw na nga yata ang mundo.  Paglabas ko ng silid ay naaninag ng mata ang masarap na kwentuhan ng 1-2-3-4-5-6-7 na kay tagal kong hinintay ang opisyal na pangalan ng kanilang grupo. VASE to CHUGS CHUGS to 1-2-3-4-5-6-7. Sina Angie, Mariz, Julie, Shaina, Vivien, Paui, Euan na laging kasama sa malalakas na trip. Silang pito na tila may sariling mundo. Silang magaganda na ay nagpapaganda pa. Normal ba talaga yun sa isip dalaga? Mababaw man ang kasiyahan masaya naman ang puso. Baliw man ay laman.
*Click* *Click* *Click* Nakakasilaw ang flash. Sa pagpanaw ng maliwanag na ilaw na tila bumubulag sa aking mga mata ay ang paglitaw unti-unti ng imahe ng 5 malaanghel sa iba’t ibang paraan. Ang JARAKENA na bahagya mang nabawasan ay unti-unti din namang dinadagdagan ng tadhana. Tadhanang hindi ko alam kung nananadya na masaktan ang mga puso? Sina Jana, Radylene, Nina na naiwan ng isa sa isang hindi inaasahang pagkakataon ay natutong sumabay sa alon ng buhay kasama ng mga bagong taong tinawag na kaibigan sa katauhan nina Czam at Nene. Silang lima na pinagsama ng biglaan. Hindi inaasahan. Hindi inaakala. Kusang dumadating ang mga dahilan ng pagsaya ng puso. :)
            “Naruto.Sket Dance. One piece!” Ayan. Narinig ko na naman ang ilan sa pinakanakakaOP na mga topic. Konti lang kasi ang alam ko sa anime. Kung hindi dragonball, naruto. Pag hindi yu-gi-oh, pokemon ang trip. Mahirap nga naman makihalubilo sa mga taong parang alien na sasakupin ang mundo pagdating ng araw tapos gagawing testing area ng pinakamalalakas nilang nuclear bomb. Pero ewan ko kung bakit nagkakaintindihan kami ng mga taong ito. Si Gane na hiraman ng dakilang stapler na hindi kailanman mawawala sa history ng pagiging ARV. Si Meanne at si Leonideth, ang magkaibigang putik na minsan hindi ko malaman kung matino pa ba o hindi? Kung babae pa ba o maton lang talaga. At Si Lea, na isa sa pinakamalaki ang parte (dahil siya ang RP partner at EL FILI partner ko siya. )  sa ikaapat na taon ko sa isang bilangguan kung saan nakatagpo ako ng mga alien. Mga alieng himalang naiintindihan ko. Mga alien man pero kaibigan.
            Sa pag-uuli ko malapit sa room ng research, nakita ko si Alexis at si Russel. Silang dalwa na parang magsyota pero hindi. Hindi talaga pwede. Si alexis na walang oras na hindi ako naasar sa simpleng galaw niya pero .nakasanayan ko na lang din. Si russel, na naging malaking bahagi ng pagkabuo at pagtatagumpay ng mga VIPERAS at hindi nang-iwan. Kung mangyaring nang-iwan man ay bumabalik din. Ganun talaga. Dinadala ng agos ang isang bagay sa dapat nitong kalagyan. Kung saan magiging mapayapa ang alon at maayos ang ikot ng mundo.
            Sa likod ng kaingayan na bumabasag sa malaki kong eardrums, ay ang katahimikang lalong bumabasag naman sa eardrums ng kaluluwa ko kung meron man. Ang katahimikang nakita ko sa ngiti ng isang anghel at sa pangalan niyang ANGEL Ang anghel na anghel sa kilos pero sa totoo ay isang anghel na nagiingay, makababa lang ng lupa. Sa ilalim ng langit ng anghel ay ang pananahan ng isang misteryosong nilalang na lagi kong gustong paimbestigahan kay Detective Conan, si JOAN.
            Sa likod ng bawat ganda ng sayaw ay ang pinipilit itago na kalungkutan sa bawat galaw. Sa likod ng matatamis na ngiti ng isang Hilary ay isang malalim na pag-ibig na palagi niyang inaasam. Hindi man nakikita ng birheng mata ay nararamdaman naman ng sanay na puso.
            Sa hindi kalayuang banda. Sa may pergola ay ang masayang awitan ng isang grupong naging mundo ko sa isa pang malaking mundo. Tatlo naging Apat. Ang apat naging Anim. Anim na gagong pinagsamasama ng kaniya-kaniyang kagaguhan pero Gago man ay may puso. Anim na baliw na piangdugtong ang kani-kanilang pusong nasugatan. Hindi lang isang beses kundi madaming ulit. Ang mga pusong sugatang ginamot ng kanya-kanyang kabaliwan. Isang grupong hindi maiiwasang ngumiti sa buong araw. Si Carlo, si Mark Roe, si Andrew at si Cydrick. Ang CMAC na ngayo’y dinagdagan ni Eman at Cian. Isang pahiwatig na laganap na ang maginoong bastos sa mundo. Ang mga berdeng utak na hindi malaman kung saan ang lulugaran sa nakaraan pero mananakop ng madami pang isip sa kasulukuya at sa kinabukasan. Silang anim na pinagbuklod ng oras at ng tadhana. CMAC-CE. Ang Generation Z.
            Ilang buwan na lang, magugunaw na ang mundo. Ilang signos na lang ang hinihintay. Js, Seniors Day, 4th Quarterly exams, NAT. Ilang senyales na lang matitibag na ang mundo. Magwawakas. Maglalaho. Madidissolve.




                                                         

Huwebes, Enero 17, 2013

Kabadong Dibdib


Ilang oras na lang ang natitira. Patuloy na lilisanin ang mundong hindi inakalang matatanto. Ang mundong hindi ko inakalang magiging mas masayang mundo. Yung mundong palagi kong hinahanap pero ni hindi ko matagpuan sa lumang mundo ko. Sa mundong kapiling siya. Kapiling SILA.
 Sampung pisong aral ang pinabaon sa akin ng mundong ito. “Hindi mo naman kasi kailangan makipagsiksikan at pumila para sa kanya. Malay mo may isang nasa tabitabi lang tapos hinihintay kang pumunta sa kanya.” Sabi nung banyo sa isa pang banyo. “Wala namang mawawala sayo kung sa simula pa lang inayos mo ito.” Sabi naman nung nawawalang stylus. “Akala mo lang na nawala siya pero andun lang siya sa tabi, nagpapahanap sayo. Kaw kasi eh. Kinalimutan mo.” Sabi naman nung Missing Charger. “Lahat may takdang oras. Lalo na sa pagligo.” Sabi nung isa. “Kahit sumobra ka sa oras. Basta alam mong maganda naman yung ginawa mo.” Sabi nung timer. “Sa isang relasyon laging may isang MAS Sweet kesa dun sa Isa.” Sabi naman nung Ponkan. “Hindi porke masama na ang lasa nung isa. Masama na kaming lahat. Sambit ng binigay na mansanas. “Madaming kahulugan  ang mga bagay sa mundo. Hindi lang isa. Maaaring dalwa o tatlo. Depende yun sa tao.” Sabi ng burger machine. “Baka nga totoo ang tadhana. Siguro sapat na yung ebidensya na nandito ka kasama ko.” Sabi nung isa. “Lahat may katapusan. Kahit ayaw natin, magwawakas at magwawakas yan. Kelangan natin tanggapin. Kailangan magmove-on.” Narinig ko sa may pinto.
Ngiti. Tawa. May luha din naman. Sana’y walang hanggan. Pero alam kong lahat may hangganan. Kaya rerevised ko na lang. “Sana may extension.” Sana nga. Masaya pa eh.  Patuloy na umiikot ang kamay ng orasan at dadating na ang panahon ng paghuhukom.  Paghuhukom na siyang magpapasya ng lahat. Katapusan na nga ba o simula na ng pagakyat sa rurok ng tagumpay. Pagkatapos paglaruan ang mga salita’t parirala. Pagkatapos kalantariin ang lahat ng imahinasyon at ideya. Pagkatapos nito maaaring magbago ang lahat. Pagkatapos nito maaaring magkaroon na tayo ng kanya-kanyang mundo. Maaaring tumahak na ulit tayo ng iba’t ibang daan na maglalayo sa ating lahat. Pero magbago man ang lahat mananatiling may alaala ng mga araw na nagdaan. Mga araw na nagbigay ng madaming aral. 
Pinasaya ang puso ng panandalian pero pinaasa na sana walang magbabago. Patuloy na umaasa kahit alam na imposible. Pero kung magbago man ang takbo ng kaniya-kaniya nating mundo, sapat na yung nabigyan tayo ng isa pang pagkakataon. Baka hindi binigay ang isa pang pagkakataon para bawiin ang pagkatalo natin noon. Pero baka binigay ito para marealize natin na napalapit na pala tayo sa isa't isa ng hindi natin napapansin. Na ang mga puso natin ay bumuo ng isa pang malaking puso na naguugnay sa bawat kaluluwa natin. Binigyan tayo para maunawaan natin ng lubos na kahit ilang buwan na lang at aalis na kami ay gagawa at gagawa ang tadhana ng paraan para iparating na mahaba pa ang dalawang buwan, madami pang mangyayari. Huwag sayangin ang bawat oras, minuto, segundo. “Time Check! It’s 12:00 Noon.” Impake time.Magaawarding na. Kabado na. Parang makakaalpas ang puso ko sa dibdib ko. Pero hinga.Hinga Hinga. Hinga. Hay....... SMILE:) TARA NA.


:)