Akala ko hindi kita kayang iwanan.
Akala ko hindi ko kakayanin kapag nawala ka sa akin. Dati sabi ko hinding-hindi
kita bibitawan kahit anong mangyari. Sabi ko hindi kita ipagpapalit. Akala ko
kaya ko. Akala ko lang pala. Ngayon, isa ka na lang alaala. Isa kang magandang
alaala.
Sinilip
kita sa dating tagpuan kung saan kita madalas Makita. Wala ka na doon. Bigla ka
lang sumagi sa aking isipan kaya siguro dinala ako ng mga paa ko doon. Naalala
mo ba noong una kitang nakilala? Tanda ko pa noon, pinakilala ka sa akin nina
nanay at tatay noong bata pa ako. Sabi nila ikaw daw ang magpapasaya sa akin.
Tama naman sila. Ikaw nga. Ikaw na lagi kong kasama simula pagkabata. Ikaw na
una kong kaibigan. Ikaw na laging nandyan para palitan ang bawat luha ng abot
langit na ngiti. Maghapon tayong naglalaro. Maghapon mo akong nililibang at
pinapasaya.
Madalas
tayong pagalitan nina nanay noon kasi wala daw tayong inatupag kun’di ang
maglaro. Madalas kang itago sa akin nila kasi hindi ako natutulog pag nandiyan
ka. Masama daw palang lagi kitang kasama. Pero hindi natin pinansin yun.
Dati,
pag naaasar ako, ikaw yung pinagtutuunan ko ng galit ko. Ikaw ang sinusuntok
ko. Ikaw ang binabalibag ko pero hindi ka pa din umiimik. Lagi mo akong iniintindi.
Pero sa kabilang parte ng istorya, ikaw pa din ang hinahanap ko sa umaga
pagkagising ko. Hindi ako nakahingi ng tawad sa’yo nun. Pasensya na ha!? Hindi
ko alam ang ginagawa ko noon eh. Bati na tayo ha?!
Siya
nga pala! Salamat ha!? Salamat sa pagtuturo mo sa akin. Ng ano? Tinuruan mo
akong magmahal , pahalagahan at ingatan
ang mga bagay na importante sa’yo. Baka hindi mo alam sobra sobra kitang
pinahahalagahan. Gaano ka kahalaga? Hindi ko na masukat eh.
Hindi
mo ako iniwan. Hindi ka nabigong pasayahin ako. Hindi ka bumitaw. Pero
lumilipas ang panahon at hindi na tayo masyadong nagkakasama. Hindi na tayo
nakakapagkulitan tulad ng dati. Hindi na tayo nakakapaglibang ng sobra. Hindi
na kita masyadong nakikita. Masyado na akong naging busy eh. Pasensya ka na
kung naiwan kita. Pasensya ka na kung hindi ko napansin na nawala ka napala sa
akin. Pero alam ko naman na nadyan ka lang, malapit sa akin. Dahil dadating ang
panahon at hahanapin kita at ipakikilala sa mga magiging anak ko. Para turuan
mo din sila ng mga bagay na itinuro mo sa akin. Para mapasaya mo din sila tulad
ng pagpapasaya mo sakin. Hinding hindi ka maaalis sa isip at puso ko mahal kong
LARUAN. Ikaw ang nagbigay kulay sa mundo ko bilang bata. Ikaw na ngayo’y isang
alaala. Ikaw na isang napakagandang alaala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento